-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nakaantabay sa Boracay ang Department of Health (DOH)-Region VI upang i-monitor ang nasa 177 Chinese national mula sa Wuhan, China, na kasalukuyang nasa isla.

Ayon kay Malay Acting Mayor Frolibar Bautista, sakaling makaramdam ng flu-like symptoms ang mga dayuhan batay sa minomonitor na sintomas ng Novel Coronavirus (N-Cov) ay agad silang ilalayag papuntang mainland Malay upang dalhin sa pagamutan sa bayan ng Kalibo.

Nakapasok aniya sa isla ang nasabing mga turista dahil negatibo ang mga ito sa criteria ng World Health Organization na matukoy na may N-Cov at nakapasa sila sa Bureau of Quarantine sa Kalibo International Airport.

Habang pinoproseso ang kanilang pag-uwi sa China ay todo-bantay ang DOH kung saan, nakahanda na ang mga ambulance vehicle na kanilang sasakyan papuntang Kalibo sakaling mamonitor ang mga ito ng DOH na may flu-like symptoms sa iniugnay sa N-Coronavirus.

Samantala, inaasahan na ng opisyal na maaapektuhan ang tourist arrival sa tanyag na isla dahil isa ang mga turistang Chinese na nangunguna sa listahan ng mga bumibisita sa Boracay.