-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umaabot na sa halos 200 katao ang nahuhuli ng Koronadal PNP na lumalabag sa ipinapatupad na curfew sa gitna ng extended calibrated lockdown ng lalawigan ng South Cotabato at enhanced community quarantine sa lungsod ng Koronadal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PCpt. Randy Apostol, deputy chief of police ng Koronadal PNP, karamihan umano sa 193 na nahuling lumalabag sa curfew mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga ay pawang galing sa downtown area.

Ilan rin sa mga nahuhuli ay mga menor de edad.

Ibinatay ang nasabing datos mula noong Marso 21 o ang pagsisimula ng quarantine period hanggang kahapon, Abril 3.

Ayon kay Apostol, kanilang isinasailalim sa educational apprehension o pagpapaalala ang mga lumalabag bago sila pakawalan kapag alas 5 na ng umaga.

Panawagan naman nito sa mga mamamayan na tulungan sana silang mga front liners sa pamamagitan ng pananatili sa bahay.