Nagtipon-tipon ang mga kaalyado ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ngayong araw ng Lunes, Oktubre 12, para ihalal siya bilang lider ng Kamara sa kabila nang suspensyon ng kanilang plenary session.
Sa kopya ng manifesto na ipinadala ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa Bombo Radyo, 187 kongresista ang nagpahayag ng kanilang commitment para ideklarang bakante ang speakership post at ihalal si Velasco bilang bagong lider ng Kamara.
Ang naturang bilang ay lagpas sa majority ng 299 na kongresista.
Ibig sabihin lamang nito, sapat ang naturang bilang para maghalal ng panibagong lider ng Kamara.
Tinukoy sa manifesto ang Section 13, Rule 3 ng Kamara, na nagsasabing maaring madeklarang bakante ang speakership post kapag hilingin ito ng mayorya sa pamamagitan ng nominal voting.
“Further, also in accordance with the same Section, we will move to and cast our vote to declare Representative Lord Allan Velasco of Marinduque as Speaker of the House of Representatives of the 18th Congress,” bahagi ng manifesto.
Sakaling matuloy ang eleksyon na ito, isasagawa ang halalan habang suspended ang plenary session ng Kamara.
Mababatid na Oktubre 6 nang inaprubahan ng Kamara ang mosyon ni Cayetano na suspendihin ang kanilang sesyon ng hanggang Nobyembre 16.
Ayon sa ilang kritiko, paraan umano ito upang sa gayon ay hindi masunod ang inaasahang change of leadership sa Kamara sa darating na Oktubre 14 alinsunod na rin sa term-sharing agreement nila ni Velasco na binuo mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kamakailan, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa Kongreso na magsagawa ng special session sa Oktubre 13.
Samantala, bukod sa panawagan para sa kanilang pagtitipon upang maihalal si Velasco bilang speaker, binatikos din ng mga kongresistang pumirma sa manifesto ang “unceremoniously” na pag-terminate ng House leadership kamakailan sa plenary budget deliberations at ang pag-apruba sa 2021 General Appropriations Bill sa ikalawang pagbasa.
“In unceremoniously terminating deliberations on the budget… the current House Leadership deprived the Filipino People of exercising, through their duly-elected Representatives, their right to participate in crafting a national budget that would best serve the country,” bahagi ng manifesto.
Ang “invalid” delegation umano sa binuong small committee na tatanggap ng amiyenda sa budget bill ay maituturing anila na “railroad” na proseso.
Pinapalitan din aila ito ang mahalagang proseso sa budget dahil nakokompromiso ang sponsorhip, debate at amendements.