Nakasailalim pa rin ng state of calamity ang kabuuang 196 na lugar dahil sa pinagsamang pinsala na iniwan ng super typhoon Egay at habagat..
Base sa latest situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang Ilocos region ang pinakamaraming nasalanta na mga probinsiya, siyudad at bayan kung saan nasa 62 na lugar ang inilagay sa state of calamity.
Sumunod ang Cordillera Administrative region na mayroong 44 lugar na nakasailalim sa state of calamity, sa Central Luzon nasa 36, sa Cagayan Valley naman 29, sa Calabarzon mayroong 23 lugar habang sa Mimaropa naman ay may 2 lugar.
Sa kasamaang palad, nasa 27 katao na ang napaulat na nasawi dahil sa pananalasa ng nagdaang mga bagyo kung saan dalawa dito ang kumpirmado na habang nasa 25 ang kasalukuyang beniberipika pa.
Apektado pa rin ang nasa 2.9 million residente o mahigit 781,000 pamilya mula sa mahigit 4,000 mga barangay sa buong bansa dahil sa epekto ng egay at habagat.
Sa sektor ng agrikultura, nasa halos P2 billion na ang naitalang pinsala habang sa imprastruktura naman ay nasa mahigit P3.5 billion.
Nagpapatuloy naman ang paghahatid ng tulong ng pamahalaan para sa mga apektadong residente kung saan mahigit P239.2 million halaga na ng tulong pinansiyal, family food packs, hygiene kits at sleeping kits ang naipamahagi na sa mga apektadong rehiyon sa bansa.