-- Advertisements --

DAVAO CITY – Halos 200 indibidwal na ang namatay sa Davao region dahil sa sakit na immunodeficiency virus-acquired immunodeficiency syndrome (HIV-Aids).

Ito ang naitalang bilang ng Davao City Reproductive Health and Wellness Center (RHWC) sa unang bahagi lamang ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Dr. Jordana Ramiterre, head ng RHWC, na base sa datos na ipinalabas ng Department of Health-Epidemiology Bureau (DOH-EB), natala sa rehiyon ng Davao ang kabuuang 191 na bilang ng mga indibidwal na namatay dahil sa nasabing sakit kung saan 137 nito ang mula sa Davao.

Sinabi rin ng opisyal na ang Davao region ang ikalima sa rankings sa buong bansa na may maraming bilang ng kaso ng HIV-Aids kung saan nasa 3,476 at ang 2,902 na kaso nito ang mula sa lungsod ng Davao.

Malaki ang paniniwala ng opisyal na isa sa mga dahilan ng pagtaas ng naitalang kaso ay ang influx of population dito sa lungsod ng Davao.

Napag-alaman na base sa record ng DOH-EB, nangunguna ang National Capital Region na may pinakamaraming kaso ng HIV-Aids kung saan natala ang 23,634 cases; Calabarzon na may 11,122 cases; Central Luzon na may 8,341 cases; Central Visayas na may 5,561 cases at panglima ang Davao Region na may 3,476 na mga kaso.