CAUAYAN CITY- Umakyat na sa 188ang COVID-19 related death sa Isabela matapos na maitala kahapon ang 21 ang panibagong nasawi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Elizabeth Binag, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na ang 21 COVID-19 related death na naitala kahapon ay hindi sabay-sabay na namatay kundi sa mga nagdaang araw pa sila pumanaw pero kahapon lamang napabilang.
Aniya, noong buwan ng Marso ay dalawampu’t dalawa ang nasawi sa lalawigan na nasa limampo hanggang limampu’t siyam ang edad pero pagpasok ng buwan ng Abril ay karamihan nasa animnapo hanggang animnapu’t siyam na ang edad ng mga nasasawi at karamihan ay may comorbidities.
Maaring ang dahilan ng pagtaas ng mga nasasawi sa lalawigan ay ang pagdami ng mga naaapektuhan kaya hindi maiwasan na dumarami rin ang namamatay.
Ayon sa kanya, nababahala na si Governor Rodito Albano kaya nais niyang mabakunahan na sana ang lahat ng mga senior sitizens dahil sila ang pinakavulnerable sa virus.
Kung ang punong lalawigan lamang aniya ang masusunod ay mabakunahan na sa lalong madaling panahon ang mga matatanda para mabawasan na ang namamatay bunsod ng COVID-19.
Siniguro naman aniya ni Governor Albano na tinitignan na kung paano mabibigyan ng tulong anhg pamilya ng mga pumanaw na COVID-19 patients bilang pakikidalamhati.