-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Aabot pa sa halos 200 ang nananatiling missing sa ngayon sa bayan ng Abuyog at Baybay City kung saan nangyari ang malawakang landslides sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Agaton.

Ayon kay Lord Byron Torrecarion, regional director ng OCD Regional Office-8, aabot sa 73 ang nawawala pa rin sa lungsod ng Baybay at 103 naman sa bayan ng Abuyog.

Sa ngayon ay patuloy namang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng mga bangkay na narekober sa nasabing mga lugar kung saan ayon sa NDRRMC ay pumalo na sa 172 ang naitalang casualties dahil sa bagyo.

Patuloy naman ang isinaasagawang rescue and recovery operations sa Abuyog, Leyte samantalang inirekomenda naman ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang pagpapatigil sa operasyon sa Baybay City dahil sa pinangangambahang pagkakaroon muli ng landslides.

Samantala sa naging pagbisita naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biktima ng bagyo sa Baybay at Abuyog noong araw ng Biyernes Santo, ipinangako nito na bibigyan ng bagong tirahan ang daan-daang pamilya na naapektuhan ng nasabing bagyo.

Nagpaabot din ito ng paunang tulong sa mga biktima lalong lalo na sa mga nasugatan at nananatili pa rin sa mga ospital.