Binabalak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipasara ang nasa 195 open dumpsites sa bansa hanggang sa katapusan ng Marso.
Ayon kay DENR Sec. Roy Cimatu, dahil sa mahigpit na pagpapatupad sa Republic Act 9003 o mas kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, bumaba sa 233 ang bilang ng mga open dumpsites noong katapusan ng 2020 mula sa 385 noong 2017.
Sinabi naman ni Environment Undersecretary Benny Antiporda, makakaya raw maipatupad ang mga closure sa kabila ng maikling panahon, at iginiit na siya raw mismo ang mangangasiwa rito.
Binibigyan din aniya ng DENR ang mga local government units ng benefit of the doubt, dahil ang iba ay walang alam sa dumpsite operations sa kanilang lugar.
Inilahad ng kagawaran na naghain na raw ang National Solid Waste Management Commission ng kaso laban sa 55 LGUs dahil sa nagpapatuloy na iligal na operasyon ng open dumpsites.
Samantala, inihayag ni Antiporda na hihimukin ang mga LGUs na makipag-partner sa mga pribadong kompara para sa operasyon ng sanitary landfills.
Kung wala naman aniyang sanitary landfill, iminungkahi ng DENR sa LGU na gumamit na lang ng cluster sanitary landfills.
“We do know, there is a problem with the procurement process. It will take you a minimum of three months to purchase something… if you are using a backhoe and you need parts, you will wait for three months eh di sira na ‘yung sanitary landfill bago dumating ang parts na ‘yan,” wika ni Antiporda.
“If they are not interested in PPPs (public-private partnerships), we are encouraging them to do cluster sanitary landfills,” dagdag nito.