-- Advertisements --

BACOLOD CITY — Halos 200 pamilya sa hilagang bahagi ng Negros Occidental ang lumikas makaraang tumaas ang lebel ng tubig dahil sa pag-ulang dala ng Bagyong Auring.

Una nang isinailalim sa Signal No. 1 ang Northern Negros dahil sa bagyo.

Kabilang sa mga lumikas ay mga residente ng Sagay City at Victorias City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Rodolfo Retirado, pinuno ng Victorias City Disaster Risk Reduction and Management Office, inihayag nito na pitong pamilya o 21 individuals ang nag-evacuate sa kanilang lungsod makaraang tumaas ang lebel ng tubig sa Malihao River.

Aniya, umabot sa 11 feet ang taas ng tubig sa ilog.

Samantala, kabuuang 183 families o 639 individuals naman ang lumikas sa Sagay City dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Himogaan river.

Ayon kay Jorge Encabo, staff ng Sagay CDRRMO, 163 families o 583 individuals ang nag-evacuate sa Himogaan Baybay; isang pamilya o anim na indibidwal naman ang lumikas sa Barangay Old Sagay at 19 families o 50 na mga indibidwal naman ang nag-evacuate sa Barangay Taba-ao.

May ilang mga tulay o overflow naman na hindi pa rin passable hanggang sa ngayon.

Patuloy namang naka-monitor at nakatutok sa Bagyong Auring ang mga otoridad sa Negros Occidental.