KORONADAL CITY – Naghahanda na sa ngayon para sa repatriation ang halos 200 mga Pilipinong nasa kabisera ng Afghanistan na kabilang na sa mga nakubkob ng Taliban.
Ito ang iniulat ni Joseph Glenn Gumpal, presidente ng Samahan ng mga Pilipino sa Afghanistan sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Gumpal, lilisanin na ng 173 na mga Pilipino ang Kabul simula ngayong araw hanggang sa Agosto 18 para hindi na maipit pa sakaling umusbong ulit ang kaguluhan sa lugar kung saan 78 sa mga ito ang sasama sa chartered flight patungong Pilipinas.
Nagmistulang ghost town naman ang Kabul dahil sa mga saradong gusali at establisyemento dahil sa takot na baka sunugin ito ng mga Taliban.
Maliban pa rito, kasabay ng pag-agaw ng Taliban sa gobyerno ng Afghanistan, nagpatayo na rin ng checkpoints ang mga ito para tingnan ang mga dumadaan at nagtutungo sa Kabul.