Halos 200 sundalo ang ipinadala ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa Abra at sa bahagi ng Region 1 upang tumulong sa clearing operation at disaster response matapos ang naganap na lindol.
Sa panayam kay CAPT Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO), karamihan sa mga sundalo ay nai-deploy sa Abra na sentro ng pagyanig.
Sinabi niya na tumutulong ang mga sundalo sa paglilinis at pagsasaayos sa mga lansangan na apektado ng lindol at sumasama rin sila sa paghahatid ng mga relief assistance upang matiyak ang kaligtasan ng mga naghahatid ng tulong at serbisyo sa mga residenteng biktima ng lindol.
Inihayag nito na tatagal ang mga sundalo sa lugar hanggang sa maging normal na ang sitwasyon at hanggang sa matapos na ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima.
Samantala, inihayag naman ni Pamittan na wala namang nasira o naapektohan sa lahat ng mga gusali ng 24th Infantry Battalion at ng 503rd Infantry Battalion matapos ang lindol.