Binabalak umano ng estado ng Minnesota na magpadala pa ng halos 2,000 karagdagang National Guards para tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa siyudad ng Minneapolis.
Hindi pa rin kasi nagpapaawat ang mga mamamayan doon na nagsasagawa ng kabi-kabilang mga kilos-proptesta kasunod ng marahas na sinapit ng Black American na si George Floyd.
Ayon kay Major General Jon Jensen ng Minnesota National Guard, posibleng magpadala pa sila ng 1,700 National Guard soldiers sa Minneapolis at sa siyudad ng Saint Paul sa araw ng Linggo.
“At the conclusion of tomorrow, I believe that we will have over 1,700 soldiers in support of the Department of Public Safety in the city of Minneapolis and the city of Saint Paul,” wika ni Jensen.
Sa ngayon, sinabi ni Minnesota Department of Public Safety Commissioner John Harrington na nasa 2,500 officers ang kanilang ipinakalat para maayos ang sitwasyon sa siyudad.
Nasa 50 katao rin daw ang inaresto sa Minneapolis dahil sa nagpapatuloy na mga rally.
Sinabi ni Harrington, nakapokus daw ang kanilang operasyon sa downtown at sa 5th Precinct area.
“We recognized that we simply did not, even with the numbers that I’m talking about, have enough officers and personnel to meet all of those missions safely and successfully. We picked missions based on our capacity,” ani Harrington.
Samantala, nagdeklara na rin ng riot ang mga otoridad sa Portland at kanila nang inatasan ang mga residente na magtungo na sa kanilang tahanan.
Babala ng mga pulis, kung hindi raw susunod ang mga ito ay hahagisan daw sila ng gas at iba pang mga bagay mataboy lamang ang mga ito.
Isa ang Portland sa 20 mga siyudad sa Estados Unidos na nakapagtala ng “significant vandalism”.
Ayon sa pulisya, nilusob at sinunog din daw ng mga demonstrador ang Justice Center sa Portland. (CNN)