-- Advertisements --

Itinaas pa ng Philippine Rice Information System(PRiSM) ang lawak ng mga palayang tinatayang maaapektuhan sa mga pag-ulang dala ng nabuong TD Querobin sa Mindanao.

Batay sa pagtaya ng satellite-based rice monitoring system ng bansa, maaaring aabot sa 19,119 ektarya ng mga palayan ang maaapektuhan, malayong mas mataas kumpara sa inisyal na halos dalawang libong ektarya kahapon.

Ito ay binubuo ng 925 ektarya ng mga palayan na kasalukuyang nasa vegetative phase at 5,442 ektarya na kasalukuyang nasa ripening stage.

Malaking porsyento nito ay nasa reproductive phase. Ito ay katumbas ng 12,752 ektarya ng mga palayan.

Karamihan dito ay mula sa mga probinsya sa Mindanao, habang maaari ring maapektuhan ang mga palayan sa mga probinsya sa Bicol Region dahil sa mabibigat na pag-ulan.

Batay sa pagtaya ng state weather bureau, sa susunod na 24 oras ay mataas ang tyansa ng malalakas na pag-ulan sa kabuuan ng Bicol Region, Eastern Visayas, at mga probinsya ng Agusan del Norte at Agusan del Sur, Davao de Oro, Davao del Sur, at Davao del Norte, dahil sa pinag-samang epekto ng tropical depression at Shear Line.