KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang isang negosyante na nahuli sa aktong nagbebenta ng peke at smuggled na sigarilyo sa bayan ng Tboli, South Cotabato.
Kinilala ni Police Major Hezron Parangan, hepe ng T’boli PNP ang suspek na si Saipoden Gulac Comayog na naaktuhang nagbebenta sa tapat mismo ng kaniyang bahay sa Purok Lugan 3, Baranbay Poblacion sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Parangan, aabot sa 250 na reams ng mga assorted brands ng smuggled na sigarilyo ang nakumpiska kay Comayog.
Una rito ay may nagreport umano sa pulisya sa bentahan ng mga peke at smuggled na sigarilyo kaya’t nagsagawa sila ng operasyon at doon naaktuhan ang suspek.
Sinampahan naman ng kasong paglabag sa RA 10863 o paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act ang suspek.
Nanawagan ang pulisya sa mga negosyante sa mga nagbebenta ng illegal na sigarilyo na huwag tularan ang kanilang nahuli upang maiwasan na makulong at managot sa batas.