-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Energy (DOE) na halos 200,000 Pilipino na may mababang income ang nagparehistro na upang ma-avail ang benepisyo ng lifeline rate program ng gobyerno na ganap ng ipinapatupad simula noong Lunes, Enero 1.

Sa ilalim ng programa, ang mga komokonsumo ng kuryente na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan gayundin ang mga may kita na mas mababa sa poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority ay karapat-dapat na mabigyan ng diskwento sa kanilang buwanang bill sa kuryente.

Gayunpaman, ayon kay DOE Electric Power Industry Management Bureau director Luningning Baltazar, ang mga benepisyaryo ay kinakailangang magparehistro muna upang makakuha ng naturang diskwento.

Ang makukuha namang diskwento ay nakabase sa inaprubahang threshold ng Energy Regulatory Commission para sa bawat distribution utility franchise.

Halimbawa na lamang sa Metro Manila na nasa ilalim ng franchise ng Meralco, ang mga consumer sa ilalim ng lifeline program ay maaaring maka-avail ng diskwento hangga’t hindi lalampas sa 100kWh ang kanilang buwanang konsumo sa kuryente.

Kapag makakunsumo ng 20 kWh, halos maavail ng mga consumer ang 100% discount.

Kung 80 hanggang100 kWh naman ang maximum threshold, maaarimg ma-avail ang 20% discount.

Gayunpaman, ayon sa DOE official ito ay para sa franchise area ng Meralco at iba ang kalkulasyon sa ibang mga lugar na ang aprubadong threshold ay mas mababa sa 100 kWh.

Samantala, wala namang deadline para sa pagpaparehistro sa lifeline rate program subalit nasa 191,399 na mga consumer na nagparehistro ang makakatanggap pa lamang ng mga diskwento ngayong Enero. (With reports from Everly Rico)