-- Advertisements --

Umakyat pa sa 215,997 ang kabuuang bilang ng mga naturukan ng COVID-19 vaccine sa buong Pilipinas.

Sa datos na inilabas ng Department of Health at National Task Force Against COVID-19, ito rin ay 38% ng kalahati ng mahigit 1.1-milyong doses na dumating na sa bansa sa kasalukuyan.

Nasa 929 vaccination sites na ang nagsasagawa ng COVID-19 vaccination sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Umabot na rin daw sa 96% ang mga naipamahaging doses ng bakuna kung saan naabot na rin umano ang mga kadulu-duluhang isla.

Ang mga rehiyon namang may pinakamataas na vaccine coverage ay ang Region 10, Metro Manila, at Region 2.

Nasa 90.25% o 17,780 ng kanilang 19,700 doses ang naiturok ng Northern Mindanao; may 68.77% coverage o 95,892 ng 139,435 doses naman sa Metro Manila; habang 61.39% o 9,816 ng 15,990 doses ang naiturok sa Cagayan Valley.

“Current deployment is limited to Priority Group A1 or frontline healthcare workers who were given the option between CoronaVac or AstraZeneca vaccines,” saad ng gobyerno.

“The vaccination of healthcare workers is being done in batches to ensure adequate staffing in health facilities in light of possible adverse events.”

Tiniyak naman ng pamahalaan na mas bibilis pa ang vaccination sa bansa sa oras na dumating na ang bulto ng mga bakuna para sa mga susunod na priority groups.