-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Asahan pa umano ang mas malaki pang halaga ng pinsala dulot ng pagbaha sa lalawigan ng North Cotabato lalo na sa sektor ng agrikultura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Engr. Arnulfo Villaruz, ang operations head ng North Cotabato-PDRRMO, lumalabas sa initial damage assessment ng Pikit LGU na nasa halos 2,000 ektarya ng maisan at 700 ektarya ng palayan ay sinalanta ng pagbaha.

Maliban dito, iniulat rin ng Kabacan Municipal Agriculture Office na nasa P10 milyon na halaga ng palayan ang inisyal na pinsala dulot ng kalamidad.

Dagdag ni Villaruz, kanila ring pinaghahandaan ang La NiƱa phenomenon na inaasahang tatagal hanggang Abril 2021 kung saan makakaapekto rin sa nararanasang pagbaha, ayon sa pagtaya ng PAGASA.

Sa ngayon ay patuloy ang relief operations sa mga apektadong mga bayan habang inabisuhan ang mga residente na mag-ingat sa kanilang paligid dahil sa mga pagbaha.