-- Advertisements --

LAOAG CITY – Umabot sa 3,000 kilo na imported frozen meats mula Germany at France ang kinumpiska ng mga otoridad sa Barangay 6, San Juan Bautista, San Nicolas, Ilocos Norte.

Napag-alaman na ang naturang mga produkto ay inihatid ng isang van mula sa Pampanga sa bahay ng nagngangalang Rex Basilio na residente sa nasabing barangay.

Ang van ay nakapangalan sa isang Sherwin Allan DC Lapuz, taga B27 L19E Sorrento Camelia Panipuan Mexico Pampanga.

Sa pagtungo ng mga kasapi ng Philippine National Police, Highway Patrol Group at mga meat inspectors sa lugar, ay tumambad sa kanila ang 147 kahon na kinalalagyan ng mga imported meat o 2,655 kilograms na nagkakahalaga ng P318,808..

Sinabi ni Provincial Veterinarian Dr. Loida Valenzuela, walang naipakitang dokumento si Basilio na magpapatunay na legal ang pagbiyahe sa mga imported frozen meat kaya agad nilang kinumpiska at ibinaon sa lupa.

Samantala ayon kay Valenzuela, agad tumakas ang driver ng van at pahinante nito nang makita nila ang mga ito.