-- Advertisements --
Albay Legazpi floods quinta

Nasa halos 3,000 pamilya na ang inilikas mula sa apat na rehiyon sa Luzon bunsod ng hagupit ng bagyong Quinta.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal sa hawak nilang datos nasa 2,823 pamilya mula sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol at Cordillera region kung saan 1,493 dito ang kasalukuyang tumutuloy sa 68 evacuation centers habang ang 968 ay sa labas ng mga evacuation centers.

Sinabi ni Timbal nasa 11 insidente ng pagbaha naman ang naitala sa Laguna, Camarines Sur, Negros Occidental, Samar, at Apayao.

Pitong insidente naman ng landslide ang nangyari sa Laguna, Aklan, Samar, at Apayao.

Sa ulat naman ng DPWH, nasira ang Caraycaray Detour Bridge sa Naval, Biliran province.

Nasa 33 roads ang hindi naman madaanan sa Cagayan, Laguna, Rizal, Camarines Sur, Masbate, Catanduanes, at Apayao.

Sinabi pa ni Timbal, mahigpit na mi-monitor ngayon ng NDRRMC ang mga sitwasyon sa mga lugar na apektado ng bagyong Quinta.

Una nang inirekomenda ng ahensiya na magsagawa ng preemptive evacuation sa mga flood, landslide, storm surge-and lahar-prone areas.

Iniulat naman ng Department of Social Welfare and Development Central Office, Field Offices, and National Resource Operations Center (NROC) na naka-preposition na ang mga family food packs at ang standby funds na nagkakahalaga ng ₱890 million para i-augment sa relief operations ng mga apektadong LGUs.

Nilinaw naman ni Timbal na hanggang sa ngayon wala pang natatanggap na ulat ang NDRRMC kaugnay sa casualties.