Umabot na sa mahigit P248 million ang halaga ng ayudang naipamigay ng Department of Social Welfare and Development(DSWD) sa mga biktima ng bagyong Enteng at mga pag-ulang dulot ng Habagat.
Ang naturang halaga ay mula sa sampung rehiyon sa buong bansa, na karamihan ay mula sa Luzon.
Hanggang ngayong araw, Sept 10, mayroon nang kabuuang 783,000 pamilya na ang natukoy na naapektuhan sa pananalasa ng naturang bagyo. Ito ay katumbas ng 2.9 milyon na katao.
Hanggang ngayon ay nananatili naman sa mga evacuation center ang kabuuang 5,350 pamilya.
Ito ay binubuo ng 19,855 na katao.
Ayon sa DSWD, patuloy ang pamamahagi nito ng mga family food packs at mga non-food items sa mga biktima ng bagyo, lalo na sa mga hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang mga tahanan.
Samantala, batay sa datos ng ahensiya ay mayroon nang 114 kabahayan ang tuluyang napinsala sa pananalsa ng bagyo habang 6,382 ang natukoy bilang partially damaged o bahagyang nasiraan.