BACOLOD CITY – Kaagad na namigay ng tulong ang lokal na pamahalaan ng San Enrique, Negros Occidental, sa mga pamilya na apektado ng buhawi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Elenita Amin, Local Disaster Risk Reduction and Management officer ng San Enrique, sinabi nitong 27 bahay ang apektado ng buhawi sa dalawang barangay sa bayan kahapon ng hapon.
Sa Barangay Tabao Rizal, isang bahay ang totally-damaged habang tatlo ang partially-damaged.
Umaabot naman sa apat na bahay ang nasira, tatlo ang partially-damaged, at 16 ang slightly-damaged sa Barangay Batuan, San Enrique.
Ayon sa mga residente, tumagal ng dalawang minuto ang pag-ikot ng hangin.
Pero bago ang buhawi, biglang umulan sa lugar sa gitna ng napakainit na panahon.
Narekord din umano ang pag-ulan ng hailstones o maliliit na yelo sa nabanggit na lugar.
Ayon kay Amin, namigay na ang Municipal Social Welfare and Development Office ng food packs sa mga residente na apektado ng buhawi.
Ang mga nawalan ng bahay ay temporaryong nakatira sa kani-kanilang mga kamag-anak.