CAUAYAN CITY- Kinumpirma ng Provincial Government ng Nueva Vizcaya ang pagpositibo sa COVID-19 ng ilang persons deprived of liberty (PDL) sa Provincial Jail.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Carlos Padilla, kinumpirma nito ang pagkakatala ng 28 kaso ng COVID-19 sa Provincial Jail na nakahimpil sa Bayombong, Nueva Vizcaya na aniyay maaring bunga ng pagbubukas ng dalaw sa mga nakaraang linggo.
Bilang hakbang ay nagsagawa na ng contact tracing sa loob ng kulungan upang matukoy pa ang mga tinamaan ng virus.
Nagpapatuloy ang isinasagawang testing at isolation maging ng pagbibigay ng gamot at mga PPE.
Hinigpitan na rin ang close monitoring sa mga PDL upang maiwasan ang hawaan sa loob ng bilangguan.
Karamihang PDL ay nabakunahan na kontra COVID-19.
Ayon pa sa gobernador wala namang nagpositibong kawani ng Provincial Jail kaya naniniwala siyang nakuha ang virus mula sa mga dalaw ng mga PDL dahil niluwagan na ang health protocol.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sumipa na sa 389 ang panibagong kaso ng COVID-19 sa Nueva Vizcaya at umakyat na rin sa 602 ang kabuoang bilang ng namatay simula nang magkaroon ng pandemya at may kabuoang 18,148 cases ang naitala sa Lalawigan.