-- Advertisements --

CEBU CITY – Hindi bababa sa 26 na pasahero ng minibus ang nasugatan matapos sinubukang mag-overtake ng driver nito sa isa pang bus sa Sityo Sandayong, Barangay Liki, Sogod, Cebu, kaninang pasado alas-2:00 ng madaling araw.

Patungo sana sa Lungsod ng Cebu ang nasabing bus nang mangyari ang aksidente.

Sa 26 na pasahero, lima ang nagtamo ng malubhang pinsala sa kanilang mga katawan habang ang iba naman ay nagtamo ng mga gasgas at pasa.

Ayon kay Police Staff Sergeant Raymund Bacordo ng Sogod police, ang limang pasahero ay dinala sa Cebu City para sa karagdagang paggamot habang ang iba ay dinala sa ospital ng nasabing bayan.

Kuwento ng 44-year-old driver ng minibus na si Edgar Atendido, sinubukan niyang mag-overtake sa naunang bus at doon na niya namalayan na nawalan na pala ng preno ang kanyang minamaneho.

Dagdag pa na sinubukan niyang bumalik sa lane nito ngunit nawalan na siya ng kontrol sa bus dahilan kaya ito’y tumagilid at natumba sa tabi ng kalsada.

Walang namang nasugatan sa kabilang bus na bumabiyahe rin patungong Lungsod ng Cebu.

Sa ngayon, nakakulong na ang driver ng minibus at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injury.