-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Halos walang naisalbang gamit ang daan-daang pamilya sa Barangay 2, Bacolod City, kasunod ng nangyaring malawakang sunog kaninang madaling araw.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo mula sa mga opisyal ng barangay, umabot sa 250 bahay sa Purok Cagaycay ang tinupok ng apoy.

Nagsimula ang sunog bandang alas-3:00 ng madaling araw at tumagal ng hindi bababa sa limang oras bago naideklarang fire-out.

Halos pumatag ang lugar dahil walang naiwang bahay na nakatayo kahit nakatirik ang ilan sa mga ito sa tubig-dagat.

Gawa kasi sa light materials o kawayan ang mga bahay kaya’t naging mabilis ang pagkain ng apoy.

Sa pag-usisa ng Bombo Radyo sa ilang residente, sinisi ng mga ito ang mag-live-in partner na sina Elbert Deo at Catherine Guanzon na siyang dahilan sa sumiklab na sunog.

Ayon kay Emma Mercado, palaging nag-aaway ang dalawa at nagbabanta ang babae na susunugin nito ang kanilang bahay.

Hanggang sa muli raw nag-away ang dalawa kagabi at nangyari ang sunog kaninang madaling-araw.

Sa pagbalik ni Deo sa lugar matapos ang sunog, kinuyog ito ng mga residente dahil sa kanilang galit kaya’t siya ang nasugatan.

Dahil dito, dinala muna sa police station si Deo para sa safekeeping habang isinasagawa ng Bureau of Fire Protection ang imbestigasyon ukol sa kanyang kaugnayan sa sunog.