-- Advertisements --

Nasa 287 Chinese maritime militia vessels (CMMs) at Vietnamese vessels ang namataan sa Kalayaan Group of Islands o Spratlys kung saan marami dito ay malapit na sa Kalayaan municipality sa Palawan.

Pahayag ito ng Area Task Force – West ng National Task Force on West Philippine Sea (NTF-WPS) matapos ang isinagawang May 9 maritime patrol.

Ang mga nasabing Chinese vessels ay nasa loob at labas ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nakapaloob sa report na pinakamarami sa mga CMMs ay namataan sa mga artificial islands ng China habang ilan dito ay nasa malapit sa mga islang okupado ng Pilipinas.

Batay sa maritime patrol, dalawang CMMs at dalawang Houbei Class Missile warship ang nasa loob ng Panganiban (Mischief) Reef; isang CMM sa Lawak (Nanshan) Island; 11 CMMs ang malapit Recto (Reed) Bank; at isang CMM vessel sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.

Maliban dito, isang Chinese Coast Guard (CCG) vessel ang namataan sa Ayungin Shoal sa May 7 patrol.

Idinagdag pa sa report na ilang CMMs at Vietnamese vessels din ang namataan sa ilang features na bumubuo sa Pagkakaisa (Union) Banks, kung saan 34 CMMs ang nasa Julian Felipe (Whitsun) Reef (JFR), dalawang Vietnamese (VN) logistics/supply ships at isang VN Coast Guard vessel sa Sin Cowe East (Grierson) Reef at 77 CMMs sa Chigua Reef.

Mayroon din umanong nakitang 14 CMMs sa Panata Island, isang VN fishing vessel sa Kota Island, 64 CMMs sa Burgon o Gaven Reef North, dalawang VN fisheries surveillance service ship sa Paredes Reef, tatlong People’s Liberation Army Navy at 55 CMMs sa Kagitingan Reef.

Sa kabila ng presensya ng Chinese militia vessels sa West Philippine Sea, inihayag ng NTF-WPS na patuloy na palalakasin ng gobyerno ng Pilipinas ang presensya nito sa WPS partikular para sa law enforcement, pagsawata sa illegal, unreported, unregulated fishing at proteksyon ng kapakanan at kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino.