Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang umaabot sa 277 Chinese foreign workers na sangkot sa economic crimes sa kanilang bansa.
Ang mga suspek ay naaresto nang pinagsanib na puwersa ng Fugitive Search Unit (FSU) sa pakikipag-ugnayan sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), Philippine National Police (PNP)’s Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at Chinese Ministry of Public Security (MPS) sa Ortigas Center sa Pasig City.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nakatanggap ang mga ito ng pormal na communication mula sa Police Attaché na si Chen Chao ng Chinese Embassy dito sa Pilipinas.
Ang nga puganteng Chinese umano ay sangkot sa investment scam na nambibiktima sa mahigit 1,000 indibidwal at nakakulimbat ng 100 million Chinese Yuan.
Ayon kay FSU head Bobby Raquepo, nang magkaroon ng operasyon nagkaroon daw ng incidental arrest ng 273 iba pang Chinese nationals na nahuling nagsasagawa ng illegal online operations.
Matapos ang verification sa Chinese authorities, dito nadiskubreng wanted din ang mga pugante sa kanilang bansa dahil sa large scale fraud at investment scam sa kanilang bansa.
Kasalukuyang nakaditine ang mga banyaga sa Warden Facility ng BI sa Taguig City.