Nakastandby na ang mga emergency personnel nitong lungsod ng Cebu matapos isinailalim ito sa blue alert status upang tumugon sa anumang hindi magandang insidente na dulot ng tropical storm Dante.
Aabot pa sa halos 300 na indibidwal ang nastranded matapos sinuspendi kaninang umaga ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng mga sasakyang pandagat matapos isinailalim sa signal no. 1 hilaga at gitnang Cebu.
Kabilang dito ang mga lugar ng Daanbantayan, Medellin, Bogo City, San Remigio, Tabogon, Borbon, Tabuelan, Sogod, Tuburan, Catmon, Carmen, Danao City, Bantayan and Camotes Islands, Asturias, Balamban, Compostela, Liloan, Cebu City, Mandaue City, Lapulapu City, Consolacion, Cordova, Toledo City, Talisay City, Minglanilla, Naga City, Pinamungahan, San Fernando, Aloguinsan, at Carcar City.
Kaninang tanghali, hindi bababa sa 184 na mga pasahero ang hindi nakaalis sa mga daungan sa hilagang Cebu habang 77 na rolling cargoes at 14 na iba pang sasakyang pandagat ang grounded.
Sa Central Cebu naman, hindi bababa sa 103 na pasahero ang nananatiling stranded at nakatakda sanang aalis ang 63 nito sa daungan ng Danao City; 30 sa port ng Cebu City; at 10 naman sa Dunggoan.
Sa isang advisory ng PCG Central Visayas, pinayuhan ang mga shipping companies at maliliit na fishing vessel na huwag munang maglayag upang maiwasan ang maaksidente sa dagat.
Pinayuhan din ang mga biyahero na manatili muna sa bahay at i-reschedule ang kanilang mga planong pagbiyahe.