-- Advertisements --

LAOAG CITY – Umabot sa halos 300 kabahayan sa rehiyon 1 ang nawasak ng pananalasa ng Bagyong Marce.

Ayon kay Mr. Adreanne Pagsolingan, Information Officer ng Office of the Civil Defense ng Region 1 na may kabuuang 247 ang partially damaged habang lima ang totally damaged mula sa mga lalawigan ng Ilocos Norte at Ilocos Sur.

Aniya, 1,418 na pamilya na binubuo ng 4,055 na indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.

Paliwanag niya, 381 na pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation center habang 41 na pamilya ang pansamantalang inilikas sa bahay ng kanilang mga kaanak.

Sinabi niya na nakatanggap sila ng mga ulat na may isang nasugatan at isang nawawala ngunit bineberipika pa rin kung ito ay may kaugnayan sa Bagyong Marce.

Dagdag pa niya, naideklara ang State of Calamity sa bayan ng Pagudpud dahil sa tindi ng epekto ng Bagyong Marce.

Sa ngayon, kasalukuyan pa lamang na kino-consolidate ng Office of the Civil Defense – Region I ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura at imprastraktura.