LAOAG CITY – Umabot sa humigit-kumulang 300 libong residente sa Estados Unidos ang nawalan ng suplay ng kuryente dahil sa snow storm.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Rene Ballenas mula sa Estados Unidos, pitong estado sa Amerika ang nakararanas ng matinding snow storm gaya ng Virginia, Kentucky, Indiana, West Virginia, Maryland, Washington D.C at Illinois.
Aniya, 10 hanggang 12 pulgadang kapal ng snow ang kasalukuyang nararanasan sa mga nasabing estado kung saan bumababa rin ang temperatura.
Ipinaliwanag niya na humigit-kumulang 60 milyong Amerikano ang apektado ng snow storm at ilang indibidwal ang namatay dahil dito.
Sinabi niya na dalawang libong flight sa Estados Unidos ang nakansela kabilang ang mga pasok sa paaralan sa Philadelphia, Baltimore at Washington D.C.
Dagdag pa niya, ilang estado na rin ang nagdeklara ng state of emergency.
Samantala, una rito ay naglabas ng babala ang National Weather Service (NWS) sa mga residente na posibleng magtagal pa ang snow storm sa Estados Unidos.