Umabot sa 3,000 concern o mga alalahanin ang natugunan ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng DepEd ‘TeleSafe’ hotline.
Ito ay mula noong ilunsad ang naturang helpline noong 2022, kasabay ng pag-upo noon ni outgoing Education Secretary at VP Sara Duterte.
Sa ilalim ng Learners TeleSafe Contact Center Helpline, nagawa ng DepEd na tugunan ang iba’t ibang mga alalahanin na idinulog sa kanila katulad ng bullying, verbal abuse, harassment, at iba pa.
Samantala, tiniyak naman ni VP Sara na ang pagprotekta sa kapakanan ng mga mag-aaral ay mananatiling top priority ng kagawaran.
Binigyang diin ng outgoing secretary na mahalaga ang agaran at episyenteng pagtugon sa mga banta at anumang alalahanin ng mga mag-aaral sa buong bansa.
Sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara, naitatag ang Learners Rights and Protection Office (LRPO) sa ilalim ng Kagawaran ng Edukasyon, isang unit na nagpoprotekta sa karapatan ng mga mag-aaral at tumutugon sa kanilang mga alalahanin.