-- Advertisements --

Halos 3,000 na ang naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa limang araw na operasyon simula nang palakasin ng PNP ang kanilang Anti-Tambay Operation.

Sa ulat na nakarating kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, nasa 2,981 ang nahuhuling mga indibidwal dahil sa paglabag sa iba’t ibang local ordinances.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hulihin ang mga tambay sa lansangan.

Kasama na rito ang drinking and smoking in public places, half naked, illegal Vending, breach of peace, obstruction, concealment of deadly weapon at traffic violation.

Sa data na inilabas ni Albayalde, nasa 944 ang naaresto dahil sa curfew violation, 653 ang nag-iinuman sa mga pampublikong lugar, 651 half naked, 456 ang paninigarilyo sa mga public places, 138 traffic violations at 139 ay mga illegal vendors, urinating sa public places, illegal barker, littering, breach of peace at obstruction.

Sa ngayon ang pinagbabatayan ng PNP para arestuhin ang mga indibidwal ay dahil sa paglabag ng mga lokal na ordinansa ng bawat siyudad at bayan.

Inihayag naman ni Albayalde na wala silang malinaw na guideline para ituring na tambay ang isang tao.

Giit naman ni Albayalde kung may basehan naman na nasa labas ang isang tao kahit dis-oras ng gabi ay hindi ito aarestuhin ng mga pulis.

Aminado si PNP chief na ilang beses naman na umanong napatunayan na dahil sa mga tambay lalo na ang mga nag-iinuman sa kalye ang nagsisimula ng gulo sa isang lugar.

Tiniyak naman ni Albayalde na walang malalabag na karapatang pantao sa gagawing pag-aresto ng mga pulis sa mga tambay.

Sa kabilang dako, ayon naman kay NCRPO chief, C/Supt. Guillermo Eleazar na ang bilang na 4,000 na naaresto na mga tambay sa kalakhang Maynila ay batay sa unofficial tally ng NCRPO.

Nilinaw naman ni Albayalde na hindi ito dahil sa sinasabing “bagansiya.”

Ayon sa PNP chief noong 2012 pa na-decriminalize ang Anti-Vagrancy Law.