VIGAN CITY – Patuloy pa rin ang pagtanggap ng local na gobiyerno ng Tuy, Batangas sa mga bakwit mula sa iba’t ibang bayan ng nasabing lalawigan na labis na naapektuhan ng ash fall dahil sa phreatic eruption ng Bulkang Taal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Tuy, Batangas Mayor Randy Afable, sinabi nito na umabot na sa 2, 570 katao ang nananatili ngayon sa 12 na evacuation area sa kanilang bayan.
Ang nasabing bilang ay galing umano sa bayan ng Lemery, Taal, Agoncillo, Talisay City at iba pang lugar na naapektuhan ng aktibidad ng bulkan.
Ipinaliwanag ni Afable na ang kanilang pagkupkop sa mga bakwit at pagtulong sa mga ito sa pamamagitan ng pamimigay ng pagkain, tubig, kumot at iba pang kailangan nila sa kanilang pananatili sa mga evacuation area ay pasasalamat sa Diyos dahil hindi sila naapektuhan ng ash fall ng bulkan kahit na malapit lamang sila sa lokasyon ng Bulkang Taal.
Kaugnay nito, nagpapasalamat ang alkalde sa kaniyang mga kababayan na taos-pusong tumutulong sa mga bakwit na kanilang kinupkop, maging sa kanilang mga kaibigan sa ibang bansa na nagbigay ng cash at in-kind donations.