Aabot na sa halos 4,000 na mga persons deprived of liberty mula New Bilibid Prison ang nailipat na ng bilangguan sa labas ng Metro Manila mula Enero 2024.
Sa ulat ng Bureau of Corrections, nasa kabuuang 3,993 na ang bilang ng pinakahuling batch ng mga preso na inilipat sa mga bilangguang nasa labas ng rehiyon.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., mula sa naturang bilang ay pumapalo na sa 999 na mga PDL ang inilipat sa Iwahig Prison and Penal Farm Sa Puerto Princesa, Palawan; habang nasa 1,000 sa Davao Prison and Penal Farm; 1,000 Sa San Ramon Prison and Penal Farm; 546 sa Sablayan Prison and Penal Farm; at 448 sa Leyte Prison and Penal Farm.
Aniya, bahagi ito ng nagpapatuloy na decongestion program ng BuCor sa mga piitan sa bansa na susundan naman ng augmentation ng workforce na kinakailangan sa mga Penal Farm partikular na sa agricultural projects bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa pagsasara ng New Bilibid Prison pagsapit ng taong 2028.
Samantala, nitong weekend lamang ay iniulat din ng naturang kawanihan na mayroong 500 PDL mula sa New Bilibid Prison ang inilipat ng piitan mula Muntinlupa City patungong San Ramon Prison and Penal Farm Sa Zamboanga City.