Aabot sa halos 4,000 na mga paaralan sa buong bansa ang nag-shift na ngayon sa pagsasagawa ng alternative delivery modes nang dahil sa nararanasang matinding init ng panahon.
Sa isang statement sinabi ng Department of Education na nagpatupad ng suspensyon sa in-person classes ang nasa kabuuang 3,954 na mga eskwelahan sa 12 rehiyon sa Pilipinas na nakaapekto naman sa 1,393,805 na mga mag-aaral.
Pinakamarami sa mga ito ay naitala mula sa Western Visayas kung saan 990 paaralan ang nagpatupad ng alternative delivery modes, nasa 801 naman sa Soccsksargen, 694 sa Central Visayas, at 581 naman sa Ilocos Region.
Nasa 199 schools naman ang nagsuspend din ng face to face classes sa Central Luzon, 183 sa Metro Manila, 162 sa Easter Visayas, at 148 sa Bicol Region, habang may ilang mga paaralan din ang nagpatupad nito sa Cagayan Valley, calabarzon, Mimaropa, at Zamboanga Peninsula.
Ayon sa Deped, mayroon ding authority ang lahat ng mga school head na magsuspinde ng klase nang dahil sa sobrang init kung kinakailangan.
Kung maaalala, una nang hinikayat ng task Force El Niño ang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa na magpatupad ng alternative delivery mode upang tiyakin ang kapakanan ng mga estudyante at guro sa gitna ng matinding init ng panahon na nararanasan ngayon.