CAGAYAN DE ORO CITY – Mahigpit na tinagubilin ni Police Regional Office 10 Director Brig Gen Jaysen de Guzman sa mga pulis na huwag hayaan na malusutan ang mahigit na seguridad na ipapapatupad sa pagdiriwang ng All Saints Day at paggunita sa araw ng mga patay sa Northern Mindanao nitong linggo.
Kaugnay ito sa ipapakalat na halos apat na libong security forces para magbigay seguridad sa mga tao na bibisita sa pam-publiko at pribadong sementeryo sa rehiyon.
Sinabi De Guzman na personal umano itong maglilibot sa mga malalaking syudad katulad ng Cagayan de Oro at Iligan City upang tiyakin na nasa mga bisinidad ang mga pulis na binigyang trabaho na proteksyonan ang publiko na gugunita sa taunang relihiyosong obserbasyon.
Mahigpit rin na binantaan ng heneral ang kanyang mga pulis na huwag panay gamit ng cellphone habang naka-duty hindi lang sa mga sementeryo subalit maging sa mga paliparan,puerto,public transport terminals at mismong mga simbahan.
Magugunitang nasa higit 200 sementeryo ang bibigyang seguridad ng pulisya,militar at force multipliers upang matiyak ang katiwasayan ng All Saints at All Souls Days.