Sumampa na sa halos 4 milyong indibidwal ang bilang ng naapektuhan sa magkakasunod na bagyong tumama sa bansa base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw ng Biyernes, Nobiyembre 22.
Ang Bicol region ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga indibidwal na naapektuhan na nasa mahigit 1.9 million. Ang naturang rehiyon ang pinakamatinding sinalanta dahil sa bagyong ‘Kristine’ at bagyong ‘Leon’.
Pangalawa naman ang Cagayan Valley kung saan nasa 809,637 indibidwal ang naapektuhan. Matatandaan na sa Cagayan nag-landfall ang bagyong ‘Ofel’.
Samantala sa Eastern Visayas may 408,593 indibidwal ang apektado habang sa Central Luzon naman ay nasa 331,531 indibidwal.
Sa ngayon, mayroon pa ring 244,492 katao ang nananatili sa mga evacuation center sa buong bansa.
Sa pinakahuling datos din ng ahensiya, nag-iwan ang 3 magkakasunod na bagyo ng 12 katao na nasawi mula sa Cagayan valley, Central Luzon at Cordillera Administrative Region (CAR).