Naniniwala si Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na mas naging mulat na ang publiko sa kung gaano kahalaga ang kanilang boto tuwing eleksyon.
Simula sa unang araw ng Setyembre ay muling tatanggap ang Comelec ng mga Pilipino na nais magparehistro para sa national elections sa taong 2022.
Ayon kay Jimenez, inaasahan ng ahensya na aabot ng halos apat na milyong katao ang magpaparehistro para sa susunod na eleksyon.
Mas nakita raw kasi ng publiko na may koneksyon pala ang kanilang boto sa nakukuha nilang serbisyo lalo na at may pinagdadaanang krisis ang bansa.
Patuloy naman na ipapatupad ng Comelec ang mahigpit na health protocols sa mga nagnanais magparehistro para tiyakin ang kaligtasan ng bawat isa mula sa COVID-19.
Kaugnay nito ay may paalala ang Comelec sa mga indibiwal na magtutungo sa kanilang mga opisina. Kailangan muna nilang magsumite ng “coronavirus self-declaration form na makikita at pwedeng i-download sa official website ng ahensya.
Iiklian naman ng mga Comelec offices ang oras ng kanilang operasyon. Ang sinomang gustong magparehistro ay maaring magpunta sa pinaka-malapit na Comelec mula Martes hanggang Sabado, tuwing alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Magiging limitado rin ang bilang ng mga taong papayagan na pumasok sa loob ng pasilidad bilang pagsunod sa umiiral na social distancing.
Hinihikayat din ni Jimenez ang publiko na mag-book na lamang ng appointments online kaysa makipag-sabayan sa mga taong gustong mag-walk in.