LEGAZPI CITY – Na-expire ang nasa 39 vials o katumbas ng 390 doses ng COVID-19 vaccine na AstraZeneca sa bayan ng Pandan, Catanduanes.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHO Catanduanes Vaccine Program Coordinator Anita Chiong, first time itong mangyari sa lalawigan mula nang mag-umpisa ang vaccination.
Isa sa mga itinuturong dahilan ang kakulangan ng manpower na maga-administer ng pagbabakuna.
Paliwanag ni Chiong, natapos na ang kontrata ng mga Human Resource for Health (HRH) personnel at nagpapatuloy pa sa ngayon ang pag-renew ng papeles kaya hindi nakapag-rollout.
Kahit pa may iilang nagbabakuna, hindi kinayang maabot ang lahat ng target.
Samantala, naipaabot na rin sa regional office ng Department of Health (DOH) Bicol ang nangyari at inilagay muna sa “quarantine” ang bakuna habang naghihintay ng kaukulang direktiba.
Sa ngayon, patungo ang team ng PHO Catanduanes sa Pandan upang tumulong sa pagbabakuna.