Dumaranas umano ng marahas na pagdidisiplina sa kanilang mga tahanan ang halos 400 milyong mga bata sa buong mundo, batay sa isinagawang pag-aaral ng UN Children’s Fund (UNICEF).
Ang mga naturang bata ay may edad 5 pababa kung saan natukoy na dumaranas sila ng pangmamaltrato, physical at psychological discipline katulad ng pamamalo at pang-iinsulto, atbpa.
Kabilang sa mga psychological abuse na kinokonsidera ng UNICEF ay ang pagsigaw sa mga bata, at pagtawag sa kanila bilang mga tamad at bobo.
Habang ang physical abuse ay kinabibilangan ng pamamalo, pananampal, panggugulo, at iba pang paraan ng pananakit sa mga bata.
Mula sa halos 400 million na mga bata, 300 million sa kanila ang umano’y nakakaranas ng physical punishment.
SInabi rin ng UNICEF na bagaman ipinagbabawal ang corporal punishment sa mga bata, halos 500 million ng mga bata umano sa buong mundo na may edad lima pababa ay walang legal na proteksyon laban dito.
Ayon kay UNICEF Executive Director Catherine Russell, kung ang mga bata ay laging nakakaranas ng physical o verbal abuse sa kanilang mga tahanan, o kung sila ay pinagkakaitan ng social at emotional care mula sa kanilang mga magulang, maaapektuhan ang kanilang pagmamahal sa sarili at kabuuang pagtanda.