-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Halos 400 na pamilya o mahigit 1,000 na individual ang inilikas sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan at Quirino dahil sa pagbaha.

Sa Isabela ay may mga lumikas sa mga barangay ng Canan, Namnama at Tandul sa Cabatuan, Gaddanan at Salinungan East sa San Mateo, barangay Harana sa Luna, Quezon, Gomez at Rizal East sa San Isidro habang mayroon ding mga lumikas sa San Guillermo, Alicia, Benito Soliven, Cabagan at Tumauini.

Sa Cagayan ay 93 families o 335 individuals ang naitalang lumikas habang may mga naitala rin sa lalawigan ng Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Francis Joseph Reyes ng Office of Civil Defense (OCD) region 2 na 207 families o 747 individual ang nasa loob ng 9 na evacuation center sa ikalawang rehiyon.

Aabot naman sa 52 families o 179 individual ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak.

Ayon pa kay Ginoong Reyes, walang problema sa daan papasok at palabas sa region 2 pangunahin na sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya patungong Nueva Ecija.

One lane naman ang Manila to Ilocos road sa Sta. Praxedes at Claveria, Cagayan.

Samantala, 9 na overflow bridges ang hindi madaanan sa rehiyon na kinabibilangan ng Abusag overflow bridge sa Baggao, Bagunot overflow bridge, San Isidro-Taytay overflow bridge sa Baggao at Capatan overflow bridge habang sa Isabela ay ang Cansan-Bagutari overflow bridge, Cabagan-Sta. Maria overflow bridge, Alicaocao overflow bridge sa lunsod ng Cauayan, Baculud at Cabisera 8 overflow bridge sa lunsod ng Ilagan.

Mayroon ding hindi madaanan na daan sa Dinapigue, Isabela dahil sa pagguho ng lupa.

Ayon kay Ginoong Reyes, kung patuloy ang pagbaba ng water level sa mga ilog at naipong flood water o tubig-baha sa mga barangay na binaha ay makakabalik na sa kanilang mga bahay ang mga lumikas na residente.

Sa ngayon ang Magat dam ay patuloy ang pagbaba ng ipinapalabas na tubig at isang gate na lamang ang nakabukas.