Umakyat na sa 249 ang nai-turnover ng Philippine National Police (PNP) sa Bureau of Corrections (BuCor) na mga napalayang convicts sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA).
Sa record ng pulisya, 391 na ang mga sumuko sa iba’t-ibang himpilan ng pulisya.
Maliban sa mga ito, may mga dating bilanggo na nakikipag-ugnayan sa ilang lokal na opisyal para matiyak ang kaligtasan sa kanilang paglutang.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pagsuko ng halos 2,000 convicts para matiyak na tama ang naibigay na computation ng kanilang GCTA.
Magtatapos ang ibinigay na taning ng Pangulo sa Setyembre 19, 2019.
Patuloy naman ang panawagan ng mga otoridad sa marami pang dating bilanggo na kusa nang makipag-ugnayan sa PNP at BuCor, para hindi na umabot sa pwersahang pag-aresto ang gagawin sa mga ito.