-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Pinangangambahang masayang ang umabot sa 348 na mga vials ng Sinovac vaccine na para sana sa mga senior citizen ng Makilala, North Cotabato na umano’y hindi namonitor ng maayos sa freezer na pinaglagyan nito.

Ayon sa ulat, inilipat umano sa freezer ng Makilala PNP ang mga vaccine matapos mawalan ng supply ng kuryente ang service area ng Cotelco nitong Biyernes ng umaga.

Generator ang ginamit sa freezer at nakaligtaan umano itong ibalik sa linya ng Cotelco nang bumalik na ang kuryente.

Kaugnay nito, humarap sa sesyon ng Sangguniang bayan ng Makilala ang Municipal Health Officer at sinabing ibabalik muna sa Provincial Health Office para masuri kung pwede pang magamit ang mga vaccine.

Nitong Lunes ay nakatakda sanang bakunahan ang mga senior citizen mula sa bayan pero hindi muna ito matutuloy.

Ayon kay Lito Canedo, ang IATF Spokesperson ng Makilala LGU na nito pang Biyernes inilipat sa freezer ng Makilala PNP ang mga vaccine ngunit huli na nang napansin ng in-charge mula MHO Makilala na hindi pala naka-on ang naturang freezer.

Kaugnay nito inihayag ni IPHO Head Doctor Eva Rabaya, kanilang ipapadala ang mga vial sa DOH Regional Office para doon masuri.