Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pag-monitor sa mga YouTube channel ng mga tumatakbo sa halalan sa Mayo 9.
Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez, sa ngayon ay nabirepika at rehistrado na sa komisyon ang 393 YouTube channels na pag-aari ng mga kandidato.
Inilabas ng komisyon ang datos tatlong araw matapos mag-umpisa ang kampanyahan sa mga tumatakbo sa national position kabilang na ang mga tumatakbong pangulo, pangalawang pangulo, mga senador at kinatawan ng mga party-list groups.
Paliwanag ni Jimenez, ang naturang hakbang ng Comelec ay para masiguro ang availability ng mga pinagkakatiwalaan at credible na sources ng impormasyon para sa publiko at hindi fake news.
Isa raw itong mahalagang hakbang para malabanan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon.
Ayon sa Comelec, mayroon na raw verified badge ang mga kandidato sa national position ang mga nagsumite ng kanilang YouTube channel.
Nakipag-ugnayan daw ang komisyon sa YouTube para ma-verify ang mga channels at hindi na ikokonsidera rito ang bilang ng mga subscribers.
Ang vefication ng Comelec sa account ng mga kandidato ay kasabay din ng pagsisimula ng Campaign S.A.F.E. Comelec e-Rally Channel sa Facebook.
Sa naturang e-Rally Channel ay mabibigyan ng online airtime ang mga kandidato sa pagka-presidente, bise presidente, senators at party-list groups na mayroong range na tatlo hanggang sa 10 minuto.