-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY- Umaabot sa 44,832 na baboy ang isinailalim sa culling sa 2nd wave ng Arican Swine Fever sa Region 2 mula buwan ng July hanggang sa kasalukuyan kumpara sa 1st wave na 2, 794 lamang.

Sinabi ni Dr. Manny Galang, ASF Region 2 Focal Person na mas matindi ang epekto ng ASF sa second wave kumpara noong 1st wave mula Pebrero hanggang June ng 2020.

Ayon sa kanya, 68 municipalities at 553 na barangay na binubuo ng 7, 648 na magsasaka ang naapektuhan ng ASF ang kanilang mga alagang baboy.

Hindi pa kasama aniya dito ang mga namatay na mga baboy na hindi iniulat o isinuko ng mga magsasaka sa DA.

Kaugnay nito, sinabi ni Galang na ang bagong occurrence ng ASF ay noong March 18 sa Bagabag, Nueva Vizcaya kung saan 21 baboy ang isinailalim sa culling.

Idinagdag pa ni Galang na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon na rin ng kaso ng ASF sa Camalaniugan partikular sa Barangay Batalla na apat na baboy ang isinailalim sa culling.

Samantala, sinabi ni Galang na mahigit sa P13m na naibayad sa mga magsasaka na apektado ng ASF.

Sinabi niya na hinihintay na lamang nila na aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihingi nilang pondo na P161m para naman sa mga hindi pa nababayaran sa 2nd wave ng ASF.

Nabatid pa mula sa opisyal na tanging ang Batanes ang ASF free sa Region 2 na mahigpit nilang binabantayan upang hindi mapasok ng nasabing sakit ng baboy.