KORONADAL CITY – Umabot sa halos 5,000 kabahayan ang binaha dahil sa halos anim na oras na pagbuhos ng ulan sa Koronadal City.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni Koronadal City Councilor Bert Hinay.
Ayon kay Hinay, labis na apektado ng pagbaha ang mga kabahayan sa Prk. Masagana, Pag-ibig, Bumana-ag, Villegas, Pantua, Marañon, Arellano, Casa Blk. 1, Casa Blk.2 at Solis subdivision sa Brgy Zone 3.
Binaha din ang ilang lugar sa Brgy GPS, Brgy Sto Niño at maging ang national highway ng lungsod.
Isinisisi naman ni Hinay ang malawakang pagbaha sa kawalan ng immediate action ng City Government sa isang pribadong area na tinambakan umano ng lupa dahilan upang hindi maka-agos ng maayos ang tubig-baha.
Samantala, nagpaliwanag naman si Koronadal City Administrator at Disaster Risk Reduction and Management Council Officer Cyrus Urbano na dahil isang pribadong lupain ang nasabing area, hindi basta-basta maaring pasukin ang lupa na walang kaukulang permiso.
Sa ngayon, pinasiguro din nito na agad na makipag-ugnayan sa may-ari ng nasabing lupa at tuluyang maaksyunan ang problema lalong lalo na at papalapit ang panahon ng tag-ulan.