Umabot na sa 49,368 o halos 50-K police personnel na ang nabakunahan laban sa Covid-19.
Sa datos na inilabas ni PNP Administrative Support to Covid-19 Operations Task Force (ASCOTF) at Deputy Chief for Administration (TDCA) Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, sa nasabing bilang 38, 274 ang naturukan ng Sinovac; 4,828 AstraZeneca; 1,381 ang Sputnik-V; 4,751 Pfizer; 114 Moderna; 3 Janssen at 17 ang Sinopharm.
Habang nasa 14,867 police personnel na ang nakakumpleto ng pangalawang dose ng bakuna o fully vaccinated na.
Sa ngayon, pansamantala munang itinigil ng PNP ang kanilang vaccination dahil ubos na ang supply na ibinigay sa kanila ng Department of Health (DOH).
” Yes wala muna Anne,” mensahe ni Vera Cruz sa Bombo Radyo ng tanungin kung itinigil na muna ng PNP ang vaccination sa kanilang hanay.
Sinabi ni Vera Cruz, hindi pa nila batid kung kailan sila mabibigyan ng vaccine allocation lalo na at delayed ang pagdating ng mga bakuna sa bansa, batay na rin sa naging pahayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez.
Nasa 28,000 doses ng Sinovac vaccine ang inilaan ng DOH para sa PNP sa National Capital Region (NCR) subalit nasa 500 lamang ang naibigay sa kanila.
Kaya hinimok ng PNP- ASCOTF ang mga pulis na samantalahin na ang pagkakataon na magpabakuna kung ito ay available sa kani-kanilang mga LGU.
Patuloy naman pina-alalahanan ni Vera Cruz ang mga kapulisan na mag doble ingat, pangalagaan ang kalusugan para hindi mahawaan ng Covid-19 virus.