VIGAN CITY – Halos 50 mag-aaral sa lalawigan ng Ilocos Sur ang sabay-sabay na hinimatay at nawalan ng malay dahil sa init ng panahon at gutom habang isinasagawa ang simultaneous earthquake drill at misa sa Vigan National High School East, Barangay Nagsangalan, Vigan City nitong Huwebes at Biyernes ng umaga.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, 17 mag-aaral umano ang hinimatay at nawalan ng malay noong Huwebes habang isinasagawa ang simultaneous earthquake drill sa nasabing paaralan.
Halos lahat umano ng mga mag-aaral na nahimatay ay ininda nila ang gutom at init ng panahon dahil karamihan sa mga ito ay hindi pa nagtanghalian noong isinagawa ang nasabing aktibidad.
Naulit ang nasabing pangyayari kaninang umaga sa nasabing paaralan kung saan 31 mag-aaral ang hinimatay at nawalan ng malay habang isinasagawa ang misa sa kanilang paaralan.
Ayon sa ilang mga mag-aaral na hinimatay, bukod sa nagsisik-sikan sila sa mainit na lugar kung saan isinagawa ang misa, karamihan din sa kanila ay pumasok na hindi nag-agahan at hindi pa nagmemeryenda.
Naitakbo sa Ilocos Sur Provincial Hospital- Gabriela Silang ang lahat ng mga nahimatay na mag-aaral ngunit kalaunan ay nakalabas din ang mga ito pagkatapos na malapatan ng paunang lunas at makakain.