CENTRAL MINDANAO – Anim na araw matapos inilunsad ng kasulukuyang administrasyon ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang intensive vaccination campaign sa buong probinsya, halos singkwento porsyento na (49.48%) o 14,879 kabuuang bilang ang naabot na vaccination coverage sa lalawigan.
Ito ay batay sa kasalukuyang datus na isinumite ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa tanggapan hinggil sa Cotabato Vaccination Drive na isinagawa sa iba’t ibang lokalidad sa probinsya.
Ang nasabing kampanya, ay isang inisyatibo ni Gov. Mendoza upang pataasin sa 70% ang vaccination coverage sa lalawigan at masiguro ang kalusugan ng mamamayan.
Ito ay bilang suporta din sa kampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na maabot ang 90% coverage sa mga senior citizens at madagdagan ang bilang ng mga indidbiwal na may booster shots tungo sa mas malakas na immunity sa buong bansa.
Sa nasabing campaign, na sinimulan sa bayan ng Aleosan nito lamang August 5, nasa 10 vaccination teams sakay ng mga ambulansya ang magkasabay na tutungo sa 10 mga barangay na may pinakamataas na bilang ng hindi bakunado sa bawat bayan upang magsagawa ng house-to-house campaign at mangumbinse ng mga taga-barangay na magpabakuna.
At upang mas lalo pang mahikayat ang mga ito, bawat indibidwal na magpapabakuna ng 1st, 2nd dose o booster shot man ay tatanggap ng P200 na insentibo.
Ayon naman sa impormasyon mula sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) na siyang nangangasiwa ng nasabing programa, prayoridad ng programa ang 14 na mga bayan sa lalawigan na nasa Alert Level 2 na kinabibilangan ng: Aleosan, Banisilan, Midsayap, Libungan, Carmen, Pikit, Matalam, Magpet, Kabacan, Pigcawayan, Mlang, Makilala, Tulunan at Alamada. Hindi na kasali dito ang mga bayan ng Pres. Roxas, Antipas, Arakan, at Kidapawan City na nasa Alert Level 1 na at matagumpay nang naabot ang 70% coverage sa kanilang eligible population.
Samantala, umaasa si Governor Mendoza na sa pakikipagtulungan at pagsisikap ng bawat isa ay mababakunahan na ang natitirang 15,190 na bilang ng mga kailangan pang magpabakuna upang tuluyan nang makumpleto ang target na 30,069 katao na mabakunahan laban sa COVID-19.
Katuwang ng probinsya ang mga local health service providers at volunteers tulad ng Barangay Health Workers (BHWs), Barangay Nutrition Scholars (BNS), barangay officials, pati na rin ang Department of Health (DOH) at Rural Health Units (RHU) at iba pang sektor na sumusuporta sa nasabing adbokasiya.