Napilitang lumikas ang kabuuang 49 na pamilya mula sa Brgy. Abuyo, Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya kasunod na rin ng naunang inkwentro kahapon ng militar at mga hinihinalang miyembro ng NPA.
Ayon kay Phil Army 84th Infantry Battalion Commander, Lt. Col. Jerald Reyes, sumiklab ang inkwentro sa pagitan ng militar ay rebeldeng grupo sa Brgy Abuyo, Alfonso Castaneda.
Ito ay matapos na i-validate ng militar ang natanggap na impormasyon ukol sa umanoy pamamalagi ng mga rebelde sa Sitio Marikit na bahagi ng naturang brgy.
Natunton ng militar ang mga miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla Tarlac-Zambales na pinaniniwalaang magsasagawa ng mga krimen sa lugar, kayat agad sinalakay ang mga ito.
Tumakas naman ang mga rebelde ngunit agad nagsagawa ng pursuit operation ang militar. Wala namang nasugatan sa magkabilang grupo, habang patuloy aniyang inaalalayan ang mga residente na kinailangang lumikas.
Ang probinsya ng Nueva Vizcaya ay dati nang deklarado bilang insurgency-free province.