-- Advertisements --

NAGA CITY – Halos umabot na sa 50 mga pinoy ang naitatalang nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Ireland habang isa na ang namatay.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Consulate Director for Marketing and Communication, Vanda Brady ng Philippine Honorary Consulate sa naturang bansa, naniniwala ito na mahigit pa sa 50 ang bilang ng mga nagpositibo ngunit hindi lamang naire-report sa kanila.

Ayon kay Brady, dahil sa law of privacy kung kaya nahihirapan din silang makakuha ng karagdagang impormasyon.

Aniya, karamihan sa mga nagpositibong Pinoy ang mga healthcare workers habang 9% lamang ang mga factory workers.

Nabatid na tinatayang may kabuuang 14,000 ang mga pinoy sa bansa habang mahigit 6,000 ang mga nurse.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng opisyal na patuloy ang ahensya sa pag-monitor at pagbibigay ng tulong sa mga Pinoy.